Search


Kagat Dila

Kahapon, habang pinag-pipiyestahan ko nung tanghalian ang bahaw mula sa kagabing sinaing, kasabay ang dalawang piraso ng pritong porkchop, NAKAGAT KO ANG DILA KO!!


SUGATANG DILA
Aray! Dangan kasi ay makunat ang lintik na porkchop (matanda siguro yung baboy) kaya naman di pa man ako nakakarami ng subo ay tumigil na ako sa pagngata dahil na rin sa laki at hapdi ng sugat ng aking tinamo mula sa pagkakakagat. Malaki ang sugat at madugo. Kung itutuloy ko pa ang pagkain, malamang eh dinuguan na ang aking malalasahan dahil sa di maampat na pagdurugo. Kumuha ako ng panyo at binasa ko ng malamig na tubig saka ko inipit ang sugat sa aking dila, ilan minuto pa ay tumigil na ang pagdurugo nito at wala na rin akong malasahan malansa sa aking bibig.

MADUGONG USAPAN
Malansa kasi ang dugo ng tao. Ewan, nakakasuka! Alam ko kasi pag ang dugo ay galing sa tao, iba ang amoy at lasa. Nakakain na ako ng dugo ng manok at baboy sa mga lutuing bahay. At nung bata naman ako, di yata matatapos ang isang araw na hindi dumudugo ang ilong ko lalo sa mga panahon na tag-init. Hindi ko alam kung bakit palaging nangyayari yun sa akin nung bata pa ako, hindi ko na nakuhang magpatingin pa sa doktor dahil na rin sa kawalan ng pera. Bangungot ang araw araw na dumudugo ang ilong ko, daig ko pa ang nireregla, kasi ang regla hindi mo nalalasahan, pero pag galing sa ilong, nalululon mo pa siya. Sabi kasi dati, pag dumudugo ang ilong mo, itatas mo daw ang ulo mo para tumigil. Kaso ang dugo ay napupunta sa lalamunan kaya naman at doon siya naiipon. Pag tumigil na ang pagdugo, malalasahan ko ang dugo na naipon sa aking lalamunan. Malansa at nakakasuka. Pilit ko siyang ilalabas sa pamamagitan ng pagdahak. Bangungot talaga yun para sa akin, ang ilabas ang sarili mong dugo na buo buo na para bang yung dugo ng manok na itinitinda sa tabi tabi. Salamat na lang at nawala na ang ganun pangyayari mula ng mag high school ako.

MISSING ME?
Balik tayo sa nakagat kong dila, ang sabi ng kaibigan ko, baka raw may NAKAALALA sa akin. Hmmm. oks naman pala eh, sa isip ko, at least may nakaalala sa akin kahit pa muntik lang naman na matanggal ang piraso ng aking dila. Pero sino? Yung pamilya ko kaya sa Pinas na naaalala ako tuwing katapusan ng buwan? Yung mga kaibigan ko kaya sa Maynila na nagtext sa akin kahapon na gumimik daw sila sa videoke bilang holloween gimmick? Yun kayang mga nalungkot dahil nakabasa ng blogs ko at nalaman na wala na akong trabaho? Baka naman yung mga natuwa sa galak at nalaman na wala na akong trabaho? Yun kayang mga taong iniwan at kinalimutan ko? Wala ang akong ideya kung sino pero marami. Marami kasi dati ang nagmamahal sa akin pero binalewala ko at pinili kong mamuhay ng malayo sa kanilang paningin, pagkalinga at pagmamahal.

Kung nakagat ko man ang dila ko dahil nga may nakaalala sa akin, pinapatunayan ba nito na kahit ako ay tumalikod at lumimot, sila ay nandiyan pa rin handang dumamay kahit sa diwa at panaginip lamang. Pwede ko naman makagat ang dila ko ng hindi gaanong masakit at malalim, siguro kaya ay sabay sabay silang nakaalala sa akin. Masakit pero kung totoo ang kasabihan na yan, nakakatuwa na rin isipin. May nagmamahal pa pala sa akin.

0 comments: