Search


Hindi Ako si Superman!

Kung makakaharap ko si Boy Abunda at tatanungin niya ako kung ano ang sasabihin ko sa taong makikita ko sakaling humarap ako sa kanyang mahiwagang salamin, ito lang mga katagang aking bibitawan, "MAHIRAP ANG MAGING IKAW!".

Akala lang ng tao madali. Tingin lang ng tao masaya. Mababaw. Magaan. Carry lang. Easy-go-lucky. Pero hinde! Hinde! Hinde! Sana nga ganun na lang eh. Sana na nga pero malayo yun sa katotohanan. Miles away. Malaki at magulo ang loob ng bahay kung ikukumpara sa simple at makulay nitong harapan. Oo, mapagkunwari ako dahil ang totoo, malalim ang sugat, maraming problema, mahaba ng listahan ng sama ng loob, mabigat ang saloobin, nakakalula ang aking responsibilidad. Magaling lang akong magtago, magkubli, magpanggap. Dahil ayokong mapagtawanan, kutyain at kaawaan ako ng sinuman.

Matalino akong tao, super, pero may mga bagay akong hindi ko makuhang pag-aralan, matutuhan at maunawaan. Sa dinami dami ng mga nalalaman ko, bakit hindi ko alam kung paano ba ang magmahal? Kung paaano magpahalaga sa kaibigan? Kung bakit ako nag-iisa? Isang malaking sampal sa akin ang hindi ko man lang makuhang mapagtagumpayan ang mga bagay na ito gayung sila yung walang hinihinging reviewer, calculator, exam, projects at tuition fee. Di ba masakit? Parang balewa rin lahat ng kung anuman ang nakasulat aking nakadisplay na diploma. Dahil sa pinakasimpleng bagay na sana ay dapat una kong napag-aralan at naisabuhay, eh zero ang aking naging marka.

Marami akong kayang gawin, talento sabi nga nila. Marunong akong magpinta at gumuhit. Maganda ang aking pag-sulat at mahusay akong mag-lettering. Creative. Kakaiba ang aking tinig, magaling akong maghost. Marami akong alam na lutuin. Maagan ang aking mga kamay sa paghahalaman. Mataas ang aking sense of humor. Pero malakas din ang aking topak at madalas yan din ang dahilan kung bakit lalong nagiging mahirap na maging ako.

Topak-yan na siguro ang tawag sa pinagsama samang pride, self confidence, inggit, guilt, inis, at pagkapikon na nang sumobra na eh sumabog at naghasik ng masamang kapalaran. Mahirap pigilan ang topak, kasi yun ang alam nating tama. Oo jobless ako ngayun, nagresign ako sa twork with immediate effectivity for no reasons at all. Tinopak lang. Ngayun, hindi ko alam ang gagawin ko. Masalimuot pero hindi nakakapagsisi. Ako yun eh. Alam ko walang trabaho sa Pinas na magpapasweldo sa akin ng mahigit P130,000 tax free buwan buwan pero pinili ko pa rin magresign nang walang pupuntahan. Bakit? Kasi yun ako. Topakin. Ginagawa kung ano ang gustong gawin. Walang tanong tanong. Walang pag-aalinlangan. Mahirap ang maging ganun di ba? Mahirap ang maging ako.

Masuwerte daw ako pagdating sa paghahanap ng trabaho, oo nga naman, napatunayan ko yan nang maraming beses. Magaling din kasi akong mambola sa interview at hanep din naman ang laman ng aking resume. Pamatay ika nga. Sad to say, hindi ang maging CPA, Financial Analyst, SAP and Microsoft Office expert, Budgeting Consultant at kung ano ano pang chuva ang gusto kong gawin sa buhay ko. Kaso kailangang kong kumayod para punan ang pangangailangan pinansiyal ng aking pamilya at don ako nawawalan ng choice. Mahirap gawin ang isang bagay ma alam mong ayaw mo pero kailangan mong gawin dahil yun ang mapagkakakitaan. Minsan nawawalan na rin ako ng pride at napapalitan ng self-pity.

Komo't nakapagtrabaho ako sa malalaking kompanya sa Pilipinas at nakapag-abroad, akala ng tao eh napakayaman ko na. Mahirap maging OFW. Hindi ba nila alam kung gaano kahirap magtrabaho nang malayo sa pamilya at makipagsapalaran kasama ang hindi mo kalahi? Akala nila masaya dahil malaki ang kita. Minsan malaki ang kita pero minamaliit ka naman sa trbaho. Di bale na lang. Nakakalungkot pero tinitiis ko ang mga pag-iisa para lang makapagpadala. Mahirap din yun.

Tumatanda na rin ako. Pero kung aking lilingunin ang aking mga pinagdaanan, wala akong maatandaang nakilala ko, nakamayan ko, nakasama ko sa saya at lungkot. Wala man lang akong nakindatan o natsangsingan. Tapos ngayun, yung iba eh nagtatanong bakit hindi pa raw ako nag-aasawa. Oo nga naman. Pero subukan niyo kayang itanong yan sa Nanay ko. Malamang sumama ang loob niya sa inyo kasi alam niyang ako lang ang makakatulong sa aking mga kapatid na makapagtapos ng pag-aaral. Hirap noh?

Kung titingnan mo ako, parang wala akong problema, palaging nakangiti, gasta lang gasta, madaling kausap, walang problema. Pero sa loob ko para akong kastilyong buhangin na natitibag kahit sa mahihinang alon. Pero pinipilit kong huwag ipakitang ako'y marupok at nawawalan ng pag-asa. Hindi ganun si Superman. Yun kasi ang tingin sa akin ng iba eh. Super galing, super sa lahat ng bagay, hindi nagkakasakit, hindi umaaray, hindi tumatanggi, laban lang laban, go lang nang go. Nung una masaya ako, inspired kasi parang ang taas ng tingin ng tao sa akin, pero kamalaunan, naramdaman ko na ang bigat, mahirap pa lang maging si Superman. Maging si Superman ay mayroon ding kahinaan.

Tao lang ako. Parang ikaw parang kayo. May puso, nasasaktan. May balat na nasusugatan. Hindi ko naman sinasabi to para majustify ang aking mga pagkukulang at kung ano man ang hindi magagandang bagay na ginagawa ko. Dati, sobrang thankful ako at proud na biniyayaan ako ni Lord ng maraming talents, pero mahirap din pala itong pangatawanan. Minsan, nakakapagod, nakakasawa, nakakaiyak. Minsan naisip ko na lang na maging kapantay ng karamihan, para walang ganung pressure at expectations. Kasi sa totoo lang mahirap ang maging Superhero sa pelikula lalo na sa tunay na buhay. Mahirap ang maging ako, lalo na't hindi naman ako si Superman.

0 comments: